November 2017

Tungkulin Ng Wika

Ano-ano ang tungkulin ng wika?

Isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon na kadalasan na ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang sistema ng mga simbolo ang komunikasyon. Ang araling pangkomunikasyon ang disiplinang pang-akademya kung saan pinag-aaralan ang pakikipagtalastasan.
Ginagamit ang wika sa pagpapahayag ng pangungusap. Madaling maunawaan ang pangungusap kahit gaano pa kahaba o ano man ang anyo nito. Malinaw ito kaya madaling naiintindihan ng bumabasa o nakikinig ang kahulugan nito.
Pagpapaliwanag o pagpapaunawa ang tawag sa gawaing pangkaisipan upang matugunan ang pakikipagugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga hudyat o senyas ng kamay, maaaring kasabayan ng taong nakikipagugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad ng taong nakikipagugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa, tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapagsalita o tagapaglahad na hindi nakapagsasalita o nakasesenyas mula sa pinagmumulang wika.
Pagsasalitaan ang tawag sa isang paraan ng pakatuto. Nagpapalinaw ang usapan tungkol sa isang paksa sa pagsasaulo ng mga bagay. Sa pamamagitan ng salitaan ,nakapagpapalitan tayo ng mga kuro-kuro.
Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Ginagamit ang pamamaraang ito sa pagpapaabot ng kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsulat. Isa rin itong likas na makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdamin at mga hangarin sa pamamagitan ng isang kaparaanang lumilikha ng tunog; at kabuuan din ito ng mga sagisag sa paraang binibigkas. Sa pamamagitan nito, nagkakaugnayan, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang mga kaanib ng isang pulutong ng mga tao.

Iba-ibat tungkulin ng wikang pilipino ayon sa eksaktong kahulugan.

1. Interaksyunal- nagpapanatili ng relasyong sosyal.
halimbawa:
pasalita: pangangamusta
pasulat: liham pang-kaibigan

2. Instrumental- tumutugon sa mga pangangailangan.
halimbawa:
pasalita: pag-uutos
pasulat: liham pang-aplay

3. Regulatori- kumukontrol/gumagabay sa kilos o asal ng iba.
halimbawa:
pasalita: pagbibigay ng direksyon
pasulat: panuto

4. Personal- nagpapahayag ng sariling damdamin o opinyon.
halimbawa:
pasalita: pormal o di-pormal na talakayan
pasulat: liham sa patnugot

5. Imahinasyon- nagpapahayag ng imahinasyon sa malikhaing paraan.
halimbawa:
pasalita: malikhaing pagsasabuhay/pamamaraan
pasulat: mga akdang pampanitikan

6. Heuristic- naghahanap ng mga impormasyon o datos.
halimbawa:
pasalita: pagtatanong
pasulat: survey

7. Informative- nagbibigay ng mga impormasyon.
halimbawa:
pasalita: pag-uulat
pasulat: balita sa pahayagan

Iba't Ibang Uri ng Wika

Ang wika ang pinakamabisang instrumento ng komunikasyon at wikang Filipino para sa mga Pilipino. Ito ay nahahati sa apat na uri.

1. Balbal - ito ang pinakamababang antas. Ito ay binubuo ng mga salitang kanto na sumusulpot sa kapaligiran.
Halimbawa: parak (pulis), iskapo (takas), istokwa (layas), juding (binababae), tiboli (tomboy), epal (mapapel), istokwa (layas) ,haybol (bahay)

2. Lingua Franca o Panlalawigan - Kabilang sa antas na ito ang mga salitang katutubo sa lalawigan o panlalawigang salita. Ang mga Cebuano, Iloko, Batangueno, Bicolano at iba pa ay may temang lalawiganin sa kani kaniyang dila. Isang matibay na indikasyon ng lalawiganing tema ay ang punto o accent AT (hindi, O) ang paggamit ng mga salitang hindi banyaga at hindi rin naman Tagalog.

3. Pambansa - salitang madalas gamitin sapagkat nauunawaan ng buong bansa. Sa Pilipinas, laman pa rin ng pagtatalo kung ano ang kasama sa antas na ito. Marami ang nagsasabing ito ay Filipino, samantalang ang iba naman ay may katwiran ding tawaging Tagalog lamang ang Wikang Pambansa ng Pilipinas. Kung mauunawaan na ang Filipino at ang kaniyang alpabeto (Simpleng alpabeto) ay maunlad, at may mga hiram na titik. Ang Filipino naman ay kalipunan ng mga salitain ng lahat ng mga Filipino (tao) maging lalawiganin man, o balbal, mapa Tagalog man o banyaga. Sa kadahilanang ito, ang Tagalog ang siyang tinuturing na wikang Pambansa at hindi ang Filipino. Gayunpaman dahil kasulatan at kasaysayan, ang Filipino pa rin ang naitala at kinikilalang wikang pambansa.

4. Pampanitikan - Ito ang pinakamayamang uri. Kadalasa'y ginagamit ang mga salita sa ibang pang kahulugan. Mayaman ang wikang pampanitikan sa paggamit ng tayutay, idioma, eskima at ibat ibang tono, tema at punto. Isang eksperto na rin ang nagsabi na ang Panitikan ay ang "Kapatid na babae ng Kasaysayan", ito ay dahil sa ang wikang pampanitikan ay makasaysayan at maaring tumaliwas din sa kasaysayan dahil sa kaniyang kakayahang lumikha ng mga tauhang piksyunal o kathang isip. Ito ay kadalasang nagaganap sa tuwing ang wikang pampanitikan ay malayang nagagamit sa pagkatha ng dula, katha, palabas, at iba pang likhang-pampanitikan.

Mga Varyasyon o Barayti ng Wika

Homogeneus at Heterogeneous na wika

Homogeneous ang wika kung pare-parehong magsalita ang lahat ng gumagamit nito.
(Paz, et.al.2003).
Heterogenous na Wika – wikang iba-iba ayon sa lugar, grupo, at pangangailangan ng paggamit nito, maraming baryasyon na wika. Ito ay nagtataglay o binubuo ng magkakaibang kontent o element heteros – nangangahulugang magkaiba samantalang ang genos – nangangahulugang uri o lahi.

Nag-uugat ang mga barayti ng wika sa pagkakaiba-iba ng mga indibidwal at grupo, maging ng kani-kanilang tirahan, interes, gawain, pinag-aralan at iba pa.

A. Dayalek/Dayalekto – ito ang barayti ng wikang ginagamit sa isang pangkat ng mga tao mula sa isang partikular na lugar tulad ng lalawigan, rehiyon at bayan. Ang barayti ng wikang nalilikha ng dimensyong heograpiko. Tinatawag din itong wikain sa ibang aklat. Ito ang wikang ginagamit sa isang partikular na rehiyon, lalawigan o pook, malaki man o maliit. Ito rin ang wikang sinasalita ng isang neyographical.
Halimbawa: pakiurong nga po ang plato (Bulacan – hugasan)
pakiurong nga po ang plato (Maynila – iusog)

B. Idyolek - ito ay pansariling paraan, nakagawiang pamamaraan o istilo sa pagsasalita. Makikita rito ang katangian at kakanyahang natatangi ng taong nagsasalita o ng isang pangkat ng mga tao. ( uri ng wikang ginagamit at iba pa). Ito rin ang Individwal na estilo ng paggamit ng isang tao sa kanyang wika.
Halimbawa: Tagalog – Bakit?
Batangas – Bakit ga?
Bataan – Bakit ah?
Ang idyolek ni Marc Logan – paggamit ng salitang magkakatugma
Ang idyolek ni Mike Enriquez – hindi namin kayo tatantanan
Ang idyolek ni Kris Aquino - Aha!, ha, ha… okey! Darla!

C. Sosyolek - naman ang tawag sa barayting nabubuo batay sa dimensyong sosyal o nakabatay sa katayuan, antas o sa pangkat na kanyang kinabibilangang panlipunan. Tinatawag din itong sosyal (pamantayan) na barayti ng wika dahil nakabatay ito sa mga pangkat panlipunan, paniniwala, oportunidad, kasarian, edad at iba pa. Ito ay may kinalaman din sa katayuang sosyo-ekonomiko ng nagsasalita.
Halimbawa: Wika ng mag-aaral - Oh my God, nakatabi ko kanina sa bio ang crush ko!
Tapos nakasabay ko pa s'yang mag-lib! (estudyante)
Wika ng matanda - Ano ikamo, wala pa ang tatay n'yo diyan? Aba at saan na
naman napunta ang damuhong 'yon? Malilintekan 'yon sa akin! (matanda)

Iba’t Ibang Sosyolek

1. Gay Lingo – ang wika ng mga bakla. Ginamit ito ng mga bakla upang mapanatili ang kanilang pagkakakilanlan kaya binago nila ang tunog o kahulugan ng salita.
Halimbawa: Churchill para sa sosyal, Indiana jones para sa hindi sumipot, begalou
para sa malaki, Givenchy para sa pahingi, Juli Andrews para sa mahuli.

2. Coňo - tinatawag ding coňotic o conyospeak isang baryant ng Taglish o salitang Ingles na hinahalo sa Filipino kaya nagkaroon ng coede switching. Kadalasan din itong ginagamitan ng pandiwang Ingles na make at dinugtong sa Filipino. Minsan kinakabitan pa ito ng ingklitik na pa, na, lang at iba pa.
Halimbawa: Let’s make kain na… wait lang I’m calling ana pa… We’ll gonna make
pila pa…It’s so haba na naman for sure.

3. Jejemon o Jejespeak – ay isang paraan ng pagbaybay ng hehehe at ng salitang mula sa Hapon na pokemon. Ito ay nakabatay rin sa mga Wikang Ingles at Filipino subalit isinusulat nang may pinaghalo-halong numero, mga simbolo, at may magkasamang malalaki at maliliit na titik kaya’t mahirap basahin at intindihin lalo na nang hindi pamilyar sa jejejetyping. Madalas na nagagamit ang mga titik H at Z.
Halimbawa: 3ow phow, mUsZtAh nA phow kaOw? - Hello po, kumusta po kayo?
aQcKuHh iT2h - Ako ito
iMiszqcHyuH - I miss you

4. Jargon - ang mga tanging bokabularyo ng isang partikular na pangkat ng isang propesyon, artikula na trabaho, o gawain ng tao.
Halimbawa: abogado – exhibit, appeal, complainant
guro – lesson plan, class record, Form 138
Etnolek – ito ay barayti ng wika mula sa mga etnolengguwistikong grupo. Ang salitang ito ay nagmula sa pinagsamang etniko at dialek. Taglay nito ang mga salitang nagiging bahagi ng pagkakakilanlan ng isang pangkat-etniko.
Halimbawa: Vakkul – gamit ng mga Ivatan na pantakip sa ulo sa init man o ulan
Bulanon – full moon
Kalipay – tuwa o ligaya
Palangga – mahal o minamahal
Shuwa – dalawa
Sadshak – kaligayahan
Peshen – Preshen

D. Register – ito ang barayti ng wika kung saan naiaangkop ng isang nagsasalita ang uri ng wikang ginagamit niya sa sitwasyon at sa kausap. Nagagamit ng nagsasaita ang pormal na tono ng pananalita kung ang kausap niya ay isang taong may mataas na katungkulan o kapangyarihan, nakatatanda o hindi niya masyadong kakilala. Pagkakaroon ng pagbabago ng wika sa taong nagsasalit o gumagamit ng wika ayon sa:
a. Tono ng kausap o tagapakinig (tenor of discourse) – naaayon ang wika sa sino ang nag-uusap.
b. Paksa ng pinag-uusapan (field of discourse) – batay sa larangan na tinatalakay at sa panahon.
c. Paraan o paano nag-uusap ( mode of discourse) – pasalita o pasulat pagtalima sa
mga panunturan dapat sundin batay sa uri ng piniling paraan ng pag-uusap.
Halimbawa: Paggamit ng pormal na wika sa simbahan, talumpati, pagpupulong at pagsulat ng aklat pangwika o pampanitikan o pormal na sanaysay.
Paggamit ng di pormal na wika sa pagsulat ng komiks, talaarawan at liham
pangkaibigan o di pormal na paraan ng pagsasalita kung ang kausap ay kaibigan, malalapit na kapamilya, kaklase o kasing-edad

E. Ekolek - Barayti ito ng wika na karaniwang nabubuo at sinasalita sa loob ng bahay. Taglay nito ang kaimpormalan sa paggamit ng wika subalit nauunawaan ng mga gumagamit nito.
Halimbawa: Mamita
Lolagets
Papsy

F. Pidgin - ito ay umusbong na bagong wika na tinatawag sa Ingles na Nobody’s Native Language o katutubong wikang di pag-aari ninuman. Ito ay bunga ng pag-uusap ng dalawang taong parehong may magkaibang unang wika kaya’t di magkaintindihan dahil hindi nila alam ang wika ng isa’t isa kaya magkakaroon sila ng makeshift language. Dahil dito makakalikha sila ng isang wikang pinaghalo ang kanya-kanya nilang unang wika.
Halimbawa: Ang pagpunta ng mga Kastila noon sa Zamboanga nakabuo sila ng wikang
pinaghalong Espanyol at Katutubong Wika ng Zamboanga.

G. Creole - ay isang wika na unang naging pidgin at kalaunan ay naging likas na wika (nativized) na ng mga batang isinilang sa komunidad ng pidgin. Nagamit ito sa mahabang panahon hanggang sa magkaroon ng pattern o tuntuning sinusunod na ng karamihan.
Halimbawa: ang wikang Chavacano

Mga Bahagi ng Pangungusap

Ang pangungusap ay isang salita o pangkat ng mga salita na nagpapahayag ng isang buong diwa o kaisipan. Ito ay binubuo ng panlahat na sangkap, ang panaguri at ang paksa subalit buo ang diwa.

Mga Halimbawa:
Isang salitang pangungusap – umuulan.
Isang pangkat ng mga salita – Hanggang ngayon, walang makapagsasabi kung paano nagsimula iyon

Bahagi Ng Pangungusap

Mayroong dalawang bahagi ang pangungusap: ang simuno at ang panaguri.

Simuno (English: subject) - Ito ang paksa o pinag-uusapan sa pangungusap. Natutukoy ang ang salita sa pangungusap ang simuno kung ito ay sinusundan ng mga pandanda.

Ang Paksa ay maaaring:
a. payak – binubuo ito ng isang salita na tumutukoy sa paksa o pinag-uusapan sa
pangungusap.
b. buong simuno – binubuo ng payak na simuno at iba pang salita sa bahaging ito ng
pangungusap.

Halimbawa:
1. Si Martin ang bago kong kaibigan.
2. Sina Anna at Louis ang kumain ng tinapay.
3. Ang mundo ay umiikot sa sarili nitong axis.
4. Namumulaklak na ang mga halaman sa hardin.
5. Binenta sa murang halaga ang antigong banga.
6. Ang magkakaibigan ay sama-samang nanood ng pelikula.
7. Sina Clyde at Bonnie ay paparating na.

Panaguri (English: predicate) - Ito ang bahagi ng pangungusap na naglalahad ng impormasyon tungkol sa simuno.

Ang panaguri ay maaaring:

a. payak na panguri – pandiwa o salitang nasa anyong pangngalan, panghalip, pang-uri o
pang-abay na nagsasabi tungkol sa simuno.
b. buong panaguri – ang payak na panaguri kasama ang iba pang mga salita o panuring.

1. Bumili si Princess ng bagong damit.
2. Diniligan ng mga mag-aaral ang mga bagong tanim na halaman.
3. Si Angelo ay isang matagumpay na doktor.
4. Ang MRT ay nangangahulugang Manila Railway Transit.
5. Napagod ang mag-anak sa kanilang pamimili para sa kapaskuhan.
6. Pinakintab nina Alice at Lea ang sahig ng silid-aralan.
7. Kumain ng agahan sina Adrian at Elsa.

Mga Sanggunian:

Antonio, E. et.al (http://et.al). 2015. “Kayamanan 5: batayang kagamitang Pampagturo.”
Cristina Daigo. November 26, 2016. Filipino Language and Customs. Retrieved from http://www.buhayofw.com/blogs/blogs-filipino-language/ano-ang-bagagi-ng-pangungusap-halimbawa-ng-simuno-at-panaguri-5839a050e7cce

Author Name

Contact Form

Name

Email *

Message *

Powered by Blogger.