Ang Tugma at ang Iba't Ibang Antas Nito

Ano ang Tugma? Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod. Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong katinig ng mga salita. Mga Antas Ng Tugma May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang Pilipino. 1. Tugmang Karaniwan ang Antas Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at awit. Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa. Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino. May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang tugmang katinig. Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo (may impit sa may impit o walang impit sa walang impit). Sa loob at labas ng bayan kong sawì, Kaliluha’y siyang nangyayaring harì, Kagalinga’t bait ay nilulugamî, Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî. (Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838) Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî, at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang tunog sa dulo. Ang salita nati'y huad din sa ibá, Na may alfabeto at sariling létra, Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwá Ang lunday sa lawa noong dakong úna. (Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869) Ang mga salitang pantugmang ibá, letra, sigwá, at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo. Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina. Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, k, d, g, p, s, t. Mahina ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y. Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang tunog ang c, f, q, v, x, z. Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina). Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád, Sa bait sa muni’t sa halot ay salát Masaklap na bunga ng maling paglingáp, Habag ng magulang sa irog na anák. (Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838) Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp, at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na d, t, p, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y malakas ang tunog sa dulo. Ang wikang tagalong tulad din sa látin, Sa ingles, kastila, at salitang ánghel, Sa pagka ang Poong maalam tumíngin Ang siyang nagbigay, naggawad sa átin. (Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869) Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin, at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga katinig na n, l, n, at n, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo. 2. Tugmang Tudlikan ang Antas Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930). Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, o malumay sa malumay). Nais kong sa buhay ng ating pag-ása, Walang makatagpong anino ng dúsa. (Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926) Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay parehong nagtatapos sa patinig na a, parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas. 3. Tugmang Pantigan ang Antas Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang antas). Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig. Sa araw ng aking mahahabang antók, At di-mapigilang pagputi ng buhók, Sisilip-silipin sa bintanang gapók, Ang musmos na araw at sumpang marupók. (Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984) Ang mga salitang pantugma na antók, buhók, gapók, at marupók ay pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok. 4. Tugmang Dalisay ang Antas Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed. Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng antas na ito. Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito. Sintang kaibigan: Mangyaring lasáhin ang katas ng Tulâ; Suriin mo lamang matapos basáhin ang dahil at mulâ. (Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin, 1965) Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos sa patinig-katinig na in, at parehong a ang patinig sa penultima. Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong nagtatapos sa katinig-patinig na la, at parehong u ang patinig sa penultima.

Ang Tugma at ang Iba't Ibang Antas Nito

Ano ang Tugma?

Ang tugma ay ang pagkakatulad ng tunog sa dulo ng mga salita na nasa hulihan ng dalawa o higit pang magkasunod na taludtod. Makikilala ang tunog sa pamamagitan ng pagbigkas ng dulong patinig o ng dulong katinig ng mga salita.

Mga Antas Ng Tugma

May apat na antas ng tugma ang tradisyonal na panulaang Pilipino.

1. Tugmang Karaniwan ang Antas
Ang pinakamatanda at pinakapalasak na antas ng tugma. Ginamit ito ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga tula (tanaga, dalit, epiko), at maging sa kanilang mga salawikain, sawikain, kawikaan, palaisipan, bugtong, at awit.
Namayani rin ito noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol (1565-1898) – sa mga aklat ng Pasyon at sa mga tula nina Jose dela Cruz, Francisco Balagtas, Jose Rizal, at iba pa. Magpahanggang ngayon, ito pa rin ang pinakakaraniwang antas ng tugma sa tradisyonal na panulaang Pilipino.

May dalawang uri ng antas na ito: karaniwang tugmang patinig at karaniwang tugmang katinig.

Sa karaniwang tugmang patinig, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkatulad ang mga huling patinig at ang tunog sa dulo (may impit sa may impit o walang impit sa walang impit).

Sa loob at labas ng bayan kong sawì,
Kaliluha’y siyang nangyayaring harì,
Kagalinga’t bait ay nilulugamî,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighatî.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang sawì, harì, nilulugamî, at pighatî ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na i, at pare-parehong may impit ang tunog sa dulo.

Ang salita nati'y huad din sa ibá,
Na may alfabeto at sariling létra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwá
Ang lunday sa lawa noong dakong úna.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang ibá, letra, sigwá, at úna ay pare-parehong nagtatapos sa patinig na a at pare-pareho ring walang impit ang tunog sa dulo. Sa karaniwang tugmang katinig, inuri ni Jose Rizal noong 1887 sa dalawang pangkat ng mga tunog ang mga katinig: malakas at mahina. Malakas ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa b, k, d, g, p, s, t. Mahina ang tunog kung ang salita ay nagtatapos sa katinig na l, m, n, ng, r, w, y. Noong 1987 nga, nairagdag bilang mga katinig na malakas ang tunog ang c, f, q, v, x, z. Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay dapat na magkakatulad ang mga huling patinig (a, e, e-i, i, i-e, o, o-u, u, u-o) at ang tunog (malakas sa malakas, mahina sa mahina).

Ang laki sa layaw karaniwa’y hubád,
Sa bait sa muni’t sa halot ay salát
Masaklap na bunga ng maling paglingáp,
Habag ng magulang sa irog na anák.
(Francisco Balagtas, Florante at Laura, 1838)

Ang mga salitang pantugmang hubád, salát, paglingáp, at anák ay pare-parehong nagtatapos sa huling patinig na a at sa mga patinig na d, t, p, at k, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y malakas ang tunog sa dulo.

Ang wikang tagalong tulad din sa látin,
Sa ingles, kastila, at salitang ánghel,
Sa pagka ang Poong maalam tumíngin
Ang siyang nagbigay, naggawad sa átin.
(Jose Rizal, "Sa Aking Mga Kabata," 1869)

Ang mga salitang pantugmang látin, ánghel, tumíngin, at átin ay nagtatapos sa mga patinig na i-e, at sa mga katinig na n, l, n, at n, ayon sa pagkakasunod, at sa gayo’y mahina ang tunog sa dulo.

2. Tugmang Tudlikan ang Antas
Ito ay antas na mas mataas sa tugmang karaniwan. Nagagamit na ito noon pa mang unang panahon, subalit higit na nabigyan ng pansin nang pumasok ang mga unang dekada ng Siglo 20 (1900-1930). Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga dulong patinig, at ang mga tunog sa dulo, kundi maging ang mga bigkas (maragsa sa maragsa, malumi sa malumi, mabilis sa mabilis, o malumay sa malumay).

Nais kong sa buhay ng ating pag-ása,
Walang makatagpong anino ng dúsa.
(Lope K. Santos, "Pagtatapat," 1926)

Ang mga salitang pantugmang pag-ása at dúsa ay parehong nagtatapos sa patinig na a, parehong walang impit ang mga tunog sa dulo, at parehong malumay ang bigkas.

3. Tugmang Pantigan ang Antas
Ang antas na ito ay panukala (at sa gayo'y imbensiyon) ng pamosong Virgilio S. Almario. Isinulong niya ito noong Dekada 1970 dahil nahihirapan ang maraming tradisyonal na makatang Pilipino na magamit sa kanilang mga tula ang pinakamataas na antas ng tugma (tugmang dalisay ang antas). Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo at bigkas, kundi maging ang mga dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig.

Sa araw ng aking mahahabang antók,
At di-mapigilang pagputi ng buhók,
Sisilip-silipin sa bintanang gapók,
Ang musmos na araw at sumpang marupók.
(Rio Alma, "Ang Bungi ni Ani," 1984)

Ang mga salitang pantugma na antók, buhók, gapók, at marupók ay pare-parehong malakas ang tunog sa dulo, pare-parehong mabilis ang bigkas, at pare-parehong nagtatapos sa patinig-katinig na ok.

4. Tugmang Dalisay ang Antas
Ang pinakamataas na antas ng tugma, at ang pinakamahirap gamitin. Isinulong ito ng pamosong makata-manunulat-at dalubwikang si Iñigo Ed. Regalado noong Dekada 1950, at siya rin ang naging pinakamahusay sa paggamit ng antas na ito. Sa antas na ito, ang mga salitang pantugma ay hindi lamang dapat na magkakatulad ang mga tunog sa dulo, bigkas, at dulong patinig-katinig o dulong katinig-patinig, kundi maging ang patinig sa penultima ng mga ito.

Sintang kaibigan: Mangyaring lasáhin
ang katas ng Tulâ;
Suriin mo lamang matapos basáhin
ang dahil at mulâ.
(Iñigo Ed. Regalado, "Paunang Salita," Damdamin, 1965)

Ang mga salitang pantugmang lasáhin at basáhin ay parehong mahina ang tunog sa dulo, parehong malumay ang bigkas, parehong nagtatapos sa patinig-katinig na in, at parehong a ang patinig sa penultima. Ang mga salitang pantugmang Tulâ at mulâ ay parehong may impit ang tunog sa dulo, parehong maragsa ang bigkas, parehong nagtatapos sa katinig-patinig na la, at parehong u ang patinig sa penultima.

Mga Sanggunian:
Alexander Dagrit . September 24, 2009. Ang Tugma, Sukat, At Alindog Sa Tradisyonal Na Panulaang Pilipino. Retrieved from http://www.filipinowriter.com/ang-tugma-at-sukat-sa-tradisyonal-na-panulaang-pilipino
Almario, Virgilio S. Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985).
Rizal, Jose. "Ang Sining ng Panulaang Tagalog" sa Mga Iba't Ibang Sinulat Ni Rizal (1964).
Santos, Lope K., Balarila ng Wikang Pambansa (1939).
Torres, Cesario Y. "Ang Tula" sa Makabagong Pananaw Sa Wika at Panitik (1976).
Labels:
Was this helpful?

Post a Comment

[blogger]

Contact Form

Name

Email *

Message *

Powered by Blogger.
Javascript DisablePlease Enable Javascript To See All Widget